MANILA, Philippines - Patay ang isang holdaper na riding-in-tandem habang nakatakas naman ang kasama nito matapos na makipagbarilan sa mga pulis, kahapon ng madaling- araw sa Caloocan City.
Habang sinusulat ang balitang ito ay inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan sa nasawing suspect, na nagtamo ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon kay Police Senior Insp. Allan Apa, ng Caloocan City Police Community Precinct (PCP) 5, bago ang engkwentro, alas-3:00 kahapon ng madaling araw, hinoldap ng mga suspect sina Rushell Bradisina, 41 at Anastacia Ilo, habang nagla-lakad ang mga ito sa kahabaan ng Duran St., Brgy. 178 Camarin ng naturang siyudad.
Matapos matanggap ang alarm report hinggil sa insidente, hinarangan ng may 10 pulis ang kahabaan ng Doña Aurora Road at dito nga ay namataan nila ang mga suspect ng magkaangkas sa isang motorsiklong walang plaka.
Sinita ng mga pulis ang mga suspect, subalit sa halip na tumigil ay tinangkan silang barilin ng mga ito. Napilitan namang gumanti ng putok ang mga pulis na na-ging dahilan ng agarang kamatayan ng isa sa mga ito.
Nakuhanan ng shabu ang napatay na suspect at narekober din dito ang mga gamit na natangay nito mula sa kanilang naging biktima.