MANILA, Philippines - Inalmahan kahapon ng ilang motorista ang plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magkaroon ng “congestion pricing o traffic congestion fee” sa ilang pangunahing lansa-ngan ng Kalakhang Maynila tulad ng EDSA para maibsan ang matindinng trapik.
Nabatid kahapon sa ilang pribadong motorista, na madalas na bumabagtas ng EDSA, na hindi sila pabor sa planong ito ng MMDA dahil magiging daan aniya ito ng panibagong corruption sa kalsada.
Kung saan hindi aniya makatwiran ang planong ito na pagbabayarin ang mga motoristang dadaan sa ilang pangunahing lansangan ng Metro Manila lalu na sa EDSA, dahil pampublikong lansangan ito at ang lahat ay may karapatang dumaan.
Ang pondong tinustos sa pagpapagawa ng mga lansangan ay mula sa buwis ng taumbayan.
Kung tutuusin aniya, bukod pa dito ay nagbabayad pa sila ng road user tax kapag nag-paparehistro ng sasakyan.
Ayon pa sa mga motorista, napakarami aniya ng batas trapiko na ipinatutupad ang MMDA, na lalu naman aniyang tumitindi ang trapik sa Metro Manila, na hanggang sa ngayon ay hindi pa nila ito nasosolusyunan.
Ang pag-alma ng ilang pribadong motorsita ay hinggil sa hakbangin ng MMDA na pinag-aaralan nilang magkaroon ng bayad sa ilang pangunahing lansangan lalu na sa EDSA.
Kung saan nais ng MMDA na i-adopt ang “congestion pricing o traffic congestion fee” na pinatutupad ngayon sa bansang Singapore.
Kung saan handa aniyang tumulong ang bansang Singapore sa MMDA para sa naturang panukala.
“The Singapore government has given its offer to help us. This is government to government consultation. People say we lack public transport but we cannot just wait for it, we need to come up with solutions,” ani MMDA General Manager Tim Orbos.
Sa plano ng MMDA ay hangad nilang lumuwag sa masikip na trapiko ang Metro Manila lalu na kapag “rush hour”.
Inamin ni Orbos, na kailangan ng pamahalaan ang “state of the art facilities” bilang requirement para sa congestion pricing scheme. “There should be scientific and accurate volume count on Edsa, collection of fee, among others,” dagdag pa ni Orbos.
Nabatid, na ang “congestion pricing o traffic congestion fee” ay para lamang aniya sa mga pribadong behikulo at exempted dito ang mga pampublikong behikulo.