Binata nagbigti gamit ang sintas ng sapatos

MANILA, Philippines -  Isang  masusing imbestigasyon ngayon ang isinasagawa ng pulisya upang maberepika ang sinasabing pagpapatiwakal sa pamamagitan ng pagbibigti gamit ang sintas ng sapatos ng isang binata sa loob ng tinutuluyang bahay sa Valenzuela City, Linggo ng tanghali.

Nakilala ang nasawi na si Jayvie Bruma, 23, walang trabaho, at nakikitira sa bahay ng kanyang mga kaanak sa may  Road 2 Extension, Brgy. Gen. T. De Leon, ng naturang lungsod.

Sa inisyal na ulat ng Valenzuela City Police, dakong alas-12 ng tanghali nang iulat sa Police Community Precinct 3 ni Napoleon Bruma ang pagsugod sa kanyang kapatid ng mga kaanak sa Calalang General Hospital. Ito ay makaraang makita na nakabigti umano ang kapatid sa loob ng isang kuwarto sa ikalawang palapag ng bahay ng mga kaanak.

Lumalabas sa imbestigasyon na nadiskubre ang sinasabing pagbibigti ni Bruma dakong alas-6 pa ng umaga.  Isang sintas ng sapatos ang nakapulupot umano sa leeg niya habang ang kabilang dulo ay nakatali naman sa hawakan ng isang dresser.  Idineklara namang wala nang buhay ang biktima dakong alas-6:45 ng umaga.

Bago ang pagkakadiskubre sa bangkay, unang nag-inuman ang biktima at mga pinsan bilang selebrasyon sa isang may kaarawan sa kanila. Tumagal ang inuman ng hanggang alas-3 ng madaling araw kung kailan ito na umano ang huling pagkakataon na nakita nilang buhay si Jayvie.

Patuloy ang masusing imbetigasyon sa insidente upang matiyak na walang naganap na foul play lalo’t walang iniwan na suicide note ang nasawi.  Inaalam din ng pulisya sa mga kaanak ang mga posibleng dahilan na nagtulak sa biktima na magpakamatay.

 

Show comments