MANILA, Philippines - Isang bangkay ng lalaki na sinasabing miyembro ng ‘Commando Gang’ ang natagpuan sa ilalim ng Mc Arthur Bridge sa Ermita, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Hindi pa tukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktimang inilarawan na nasa 35-40 ang edad, katamtaman ang laki ng katawan, 5’6 ang taas, nakasuot ng itim na t-shirt, itim na tsinelas at maong na pantalon, may tattoo na “Commando” , “Fabella”, tribal, Gestapo at espada na may pakpak sa iba’t ibang bahaging katawan.
Nakabalot ng telang violet ang ulo at may sugat o tama ng bala sa dibdib at namuong mga dugo sa mata ang biktima.
Sa ulat ni PO3 Ryan Jay Balagtas ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-5:30 ng madaling araw kahapon (Sabado) nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa ilalim ng Mc Arthur Bridge sa Muelle del Rio sa Lawton, Ermita ng isang Johnny Guntia, streetsweeper.