MANILA, Philippines – Pinalawig ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang pagbabayad ng business tax hanggang Pebrero 3, 2017.
Ito ay upang mabigyang kaluwagan ang mga taxpayers na makabayad ng kanilang responsibilidad sa pagbubuwis sa takdang panahon.
Ang palugit ay nakasaad sa napagtibay na QC ordinance 2250 na mungkahi nina QC Councilor Victor Ferrer, Franz Pumaren at Allan Benedict Reyes noong Enero 16, 2017.
Bagama’t nakasaad sa Section 167 ng Republic Act 7160, mas kilalang Local Government Code of 1991 na dapat mabayaran sa unang 20-araw ng Enero, may kapangyarihan naman ang Sangguniang Panglungsod na palawigin ang panahon ng pagbabayad ng buwis na hindi hihigit sa anim na buwan.
Tuwing weekends din ay bukas ang mga tanggapan sa QC Hall na may kaugnayan sa pagbabayad ng buwis.
Sa tala ng City Treasurer’s Office ay nakapagtala na ng P 814,066,328.41 kita mula sa business taxes simula noong Enero 18 na mas mataas ng P58, 036, 429 collection kung ikukumpara sa nakalipas na Enero 2016.