4 na miyembro ng ‘Bundol gang’, timbog

MANILA, Philippines - Apat na pinaghihinalaang miyembro ng notoryus na “bundol gang” na nag-ooperate sa Metro Manila at iba pang mga karatig lugar ang nasakote ng mga operatiba ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa operasyon sa  Pasig City nitong Martes ng gabi.

Kinilala ni PNP-HPG Director P/Chief Supt. Antonio Gardio- la  ang mga nasakoteng suspect na sina Joseph Aviles, 40; Isidro Rivas, 36;  Gomer Palenzuela , 36  at John Ivan Breva, 28.

Bandang alas – 7:50 ng gabi nang masakote  ng mga ope­ratiba ng PNP-HPG Special Operations Division(SOD) Task Force Limbas ang mga  suspect  sa nasilat na  pagtatangka ng mga itong mangarnap ng behikulo  sa kahabaan ng C5 sa panulukan ng Lanuza Street, Brgy. Ugong sa lungsod ng Pasig.

Ayon sa imbestigasyon, binunggo ng mga suspek  na lulan ng Toyota Vios  ang kanang bahagi ng kulay puting Toyota FJ Cruiser  na minamaneho ng Filipino-Chinese na si James Michael Kua, ng Quezon City.

Nang bumaba si Kua para inspeksyunin ang pinsala ng kaniyang behikulo , isa sa mga suspect na nakilalang si Rivas na nakasuot ng kulay berdeng t-shirt ay bumaba sa  behikulo at tinutukan ng cal. 45 pistol ang biktima.

“Puputukan kita, umalis ka na “, ayon sa suspect sabay tutok ng baril sa may-ari ng behikulo. Kinuha naman ni Kua ang cellphone sa kanang bulsa nito at tinangkang i-video ang insidente.

Isa  suspect   ang bumaba ng kanilang sasakyan at sumakay sa sasakyan ni Kua  upang tangayin ang behikulo ng naturang biktima.

 Gayunman nang matanawan naman ng mga suspect ang motorcycle rider ng PNP-HPG SOD Task Force Limbas na nagmamaniobra sa daloy ng trapiko sa lugar  ay dali-dali ang mga itong sumakay ng behikulo na tumahak sa hilagang direksyon ng Ortigas ng lungsod.

Agad namang nagresponde   si SPO2 Michael Dolnog , motorcycle rider ng PNP-HPG SOD Task Force Limbas na humingi ng backup  sa mga kasamahan nitong mga operatiba at hinabol ang mga suspek.

Naharang naman hanggang sa maaresto ang mga suspect matapos na maipit sa trapiko sa northbound ng C5 road sa panulukan ng Ortigas Avenue, Brgy. Ugong sa lungsod ng Pasig.

Kasalukuyan na ngayong humihimas ng rehas na bakal sa detention cell ng PNP-HPG-SOG sa Camp Crame ang mga nasakoteng suspect.

Show comments