MANILA, Philippines – Naging mapayapa ang prusisyon ng mga replica ng Itim na Nazareno kahapon .
Dinagsa rin ito ng mga deboto at karamihan ay nagmula sa kani-kaniyang grupo mula sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila at lalawigan, na pawang may mga dalang replica ng Black Nazarene at karosa , kabilang din ang iba pang imahe ng Santo, na sakay sa karosa na napapaligiran ng mga bulaklak na mahigit kumulang sa 100 na nakapila sa Quezon Bridge.
Naging siksikan din sa haba ng pila ang pahalik sa loob ng Minor Basilica Church, na normal namang ginagawa anumang araw sa nasabing simbahan.
Nakaantabay naman ang mga pulis, bumbero, first aid at medical teams sa palibot ng simbahan.
Nabatid na pasado alas -2:00 ng hapon nang magsimula ang prusisyon sa pangunguna ng main replica ng Black Nazarene mula sa Minor Basilica sa Plaza Miranda.
Samantala, nabatid na nagsagawa ng clearing operations kahapon ng umaga sa mga daraanan ng ruta at nanguna sa inspeksiyon sina National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Oscar Albayalde at Manila Police District (MPD) Director P/Chief Supt. Joel Napoleon Coronel.