Wanted na killer todas sa pulis

MANILA, Philippines – Patay ang isang 30 anyos na killer  na sinasabing responsible sa pagpatay ng  dalawang katao matapos na manlaban sa mga pulis-Maynila na aaresto sana sa kanya kahapon ng umaga sa  Tondo,Maynila.

Dead on the spot si Renato Santiago, miyembro ng Sputnik gang at taga Osmeña St. Tondo, Maynila dahil sa tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon kay  PO3 Roderick Magpale,  ng Manila Police District-homicide section, naganap ang insidente dakong alas 4 ng madaling araw sa may Osmeña St. Tondo,Maynila.

Sinabi ni  Magpale na inamin  ng suspek kay  Shirley Fuentes,21, ang pagpatay nito kay  Ronald Ramos, sa loob ng isang pedicab dakong alas 12:30 ng madaling araw, ilang oras bago napatay ang suspek.

Ang suspek din umano ang pumatay sa biktimang si  Jonel Flaviano, dakong alas 11:50 ng gabi  sa may Capulong corner Velasquez St. noong Disyembre 30.

Nabatid na si Fuentes umano ang nagbigay ng impormasyon sa pulisya sa kinaroroonan ng suspek at nang puntahan sa halip na sumuko pinaputukan nito si PO2 Dylan Verdan na nakapagkober at nang gantihan ng putok dito na tinamaan ang suspek na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Narekober ng mga pulis ang .38 kalibre ng baril sa suspek.

Show comments