Romanian kalaboso sa ATM modus
MANILA, Philippines - Isang turistang Romanian ang kalaboso matapos makumpiska dito ang iba’t ibang credit at ATM cards nang tangkaing mag-withdraw sa isang ATM ng isang bangko sa Makati City, kahapon
Kinilala ni Senior Supt. Milo Pagtalunan, hepe ng Makati City Police ang dinakip na suspect na si Mustafa Ghiocan, 36, pansamantalang nanunuluyan sa isang hotel sa Burgos St., Brgy. Poblacion ng nasabing lungsod.
Ayon sa pagsisiyasat ni SPO2 Alejandro Divalid, ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Makati City Police, alas-10:30 kahapon ng umaga nang madakip ng mga pulis at kinatawan ng banko ang suspect habang magwi-withdraw sana sa isang ATM machine ng banko sa Salcedo St., Legazpi Village, Brgy. San Lorenzo Village ng naturang lungsod. Kung saan nakumpiska dito ang 18 assorted cards.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8484 (Access Devices Regulation Act of 1998) sa Makati City Prosecutor’s Office ang naturang suspect at nakakulong ngayon sa detention cell ng Makati City Police. - Lordeth B. Bonilla
- Latest