MANILA, Philippines – Patay ang isang mister na negosyante habang malubhang nasugatan ang kanyang misis nang tambangan at pagbabarilin ng dalawang lalaking magkaangkas sa isang motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo na dahilan ng pagkasawi ng biktimang si Alfredo Bautista, 42, ng Brgy. Tinajeros, habang isinugod naman sa Manila Central University Hospital dahil sa tama ng bala sa kaliwang balikat at baba ang misis nitong si Delia.
Base sa inisyal na ulat ng Malabon City Police, pauwi na ang mag-asawa sakay ng isang motorsiklo dakong alas-10:30 ng gabi sa may Sanchez Street nang biglang dikitan ng isang motorsiklo sakay ang dalawang salarin at sabihan si Alfredo na flat ang kanilang gulong.
Nang huminto ang biktima, dito na sila pinagbabaril ng mga salarin saka tumakas tungo sa hindi mabatid na lugar. Narespondehan naman ng mga awtoridad ang pangyayari at nasaklolohan si Delia.
Ayon sa mga imbestigador, wala silang rekord na sangkot ang mag-asawang Bautista sa iligal na droga kaya hindi ito kasama sa kanilang imbestigasyon. Pinakamalapit na posibilidad umano ang sigalot sa negosyo makaraang may posibleng nagalit nang makakuha ng magandang puwesto ang mag-asawa sa may Rivera Street, sa naturang lungsod.