MANILA, Philippines - Halos maiyak sa sama ng loob ang limang police na nakatalaga agad-agad silang ‘ipinatapon’ sa Mindanao kasabay ng kahilingan na pairalin ang ‘due process’ bago sila parusahan.
Kaugnay ito sa umano’y naganap na pangongotong sa isang Singaporean national, kamakailan.
Base sa inisyung order ng Directorate for Personnel and Record Management (DPRM) sa Camp Crame, nabatid na mula sa Intelligence Section ng Makati City Police, itinapon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sina Chief Inspector Sherwin Cuntapay; SPO3s Gonzalo Acnam; Ludevico Jabolle; PO3 Ronnie Aseboque at PO2 Gee-ar Javier.
Matatandaan, na kamakailan ay nakatanggap umano ng report si PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa hinggil sa isang operasyon sa isang gambling online company, na pag-aari ni Lai Wee Shong, isang Singaporean national, na matatagpuan sa West Plaza, Gil Puyat Avenue, Makati City.
Ang naturang text message ay ipinadala sa hepe ng Makati City Police na si Senior Supt. Rommil Mitra at pinadala naman nito sa hepe ng Intelligence Section na si Cuntapay upang i-validate ang naturang impormasyon.
Noong Setyembre 30, ay inaatasan naman ni Cuntapay sina Acnam; Jabolle; Aseboque at Javier, na magsagawa ng validation sa naturang tanggapan.
Ayon sa mga pulis na nagsagawa sila ng validation at ang nakausap lamang nila ay ang chief security officer na si Rolando Fuentes at ayon nga dito ay minsan na aniyang sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nabanggit na gaming online company.
Isang ret. Police Col. Cabigting umano, ang nagsabi sa naturang Singaporean na magbigay na lamang ito ng pera para hindi ito makaranas ng pangha-harras hanggang sa nakapagbigay umano ito ng halagang P750,000.00.
Dahil sa insidente ay nagreklamo ang nasabing dayuhan at isinasangkot umano ang naturang mga pulis sa insidente ng pangongotong.
Kung kaya’t kamakailan ay ipinatawag ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde si Cuntapay upang linawin ang naturang akusasiyon.
Ipinaliwanag ni Cuntapay na nagsagawa lamang sila ng validation sa nasabing tanggapan at sa nakalap nga nilang impormasyon na minsan na umano itong ni-raid ng NBI.
Mariin din nitong nilinaw na wala silang alam sa umano’y naganap na pangongotong dahil ayon dito ay hindi niya kilala si Cabigting.
Na sinasabi naman ng naturang dayuhan na ang pera ay ibinigay umano kay Cabigting.
Ang naturang reklamo ay nakarating kay Pangulong Rodrigo Duterte at ipinag-utos nitong sibakin sa pwesto ang nabanggit na mga police Makati.
Kahapon ay epektibong inilipat sa ARMM ang limang police Makati, na halos maiyak sila sa sama ng loob sa kanilang sinapit.