500K katao inaasahang dadagsa ngayon sa Manila South Cemetery

Dumagsa ang mga kababayan nating nagtungo sa Manila North Cemetery kahapon na inaasahan pang tataas ang bilang ng mga magsisidalaw ngayong araw na ito sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Edd Gumban

MANILA, Philippines - Inaasahang humigit kumulang na nasa kalahating mil­yong katao ang magtutungo sa Manila South Cemetery sa lungsod ng Makati ngayong araw na ito ng Nobyembre 1 para sa paggunita ng Undas.

Ayon kay Engr. Maribel Bueza, deputy director ng Manila South Cemetery, nasa 300,000 ang nakalibing dito na may 25 ektarya ang lawak.

Bukod sa mga naka-deploy na pulis, military personnel at civilian volunteers, nasa 16 CCTV camera ang naka­kabit dito.

“We have a 24-hour security here,” ani Bueza.

Mahigpit na ipinagbaba­wal  na magdala ng  mga baril, patalim, alak, loudspeakers at amplifiers.

Naglagay naman ang pa­ma­halaang lungsod ng Ma­kati public assistance stations at mga wheel chairs upang uma­gapay sa mga senior citizens.

Inaasahang tinatayang nasa 500,000 katao ang mag­tutungo ngayon sa naturang libingan.

Sa Manila Memorial Park sa Parañaque City, ilan sa mga supporters ang duma­law sa puntod nina Senator Benigno Aquino Jr. at dating Pangulong  Corazon Aquino.

Nagpadala naman ng bu­laklak sina Pangulong Rodrigo Duterte at dating pa­ngulo at  Manila Mayor Joseph Estrada sa puntod ng mag-asawang Aquino.

Nagpadala din ang Mala­cañang ng mga bulaklak sa mga puntod nina dating Pa­ngulong Elpidio Quirino, Dios­dado Macapagal at Carlos Garcia na nasa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.

Maliliit naman na mga bandila ng Pilipinas ang inilagay sa puntod ng mga sunda­long nakalibing dito.

Show comments