MANILA, Philippines - Nasa 150 kabahayan ang natupok ng apoy kung saan 300 pamilya ang naapektuhan sa sunog na naganap, kahapon ng madaling araw sa Muntinlupa City.
Ayon sa report ni Muntinlupa City Bureau of Fire Protection Fire Marshall Supt. Gilbert Dolot, nagsimula ang sunog alas-4:56 ng madaling araw sa bahay ni Federico Castillo sa Bunyi Compound, E. Service Road, Brgy. Cupang ng nasabing lungsod.
Sa sobrang lakas ng hangin at gawa lamang sa mga light materials ang mga kabahayan ay mabilis itong tinupok ng malakas na apoy.
Hirap rin ang mga bumberong maipasok ang kanilang mga truck sa lugar dahil sa mga sala-salabat na kawad ng kuryente.
Matapos ang tatlong oras saka lamang naapula ang apoy at alas-7:30 kahapon ng umaga nang ideklara itong fire-out.
Wala namang napaulat na may mga taong nasawi sa insidente habang iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung ano ang sanhi ng naturang sunog at magkanong halaga ang napinsala.