MANILA, Philippines - Idineklara na ni Manila Mayor Joseph Estrada na ‘No Parking Zone’ ang kahabaan ng Rizal Avenue kasabay ng pagsuyod ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), Department of Public Services (DPS) at Department of Engineering, kahapon ng umaga.
Paliwanag ni Estrada, pangunahing highway ang Rizal Avenue at hindi dapat na ginagawang paradahan ng mga sasakyan.
Sinimulan ng mga tauhan ng city hall ang clearing operations at paghatak sa mga sasakyan simula sa Carriedo hanggang R. Papa. Umabot din sa 30 na tricycle, 15 mga kotse, limang motor, at dalawang kuliglig ang hinila ng mga MTPB traffic enforcers sa kasong illegal parking.
Inimbitahan naman sa presinto ang isang kinatawan ng Tokogawa Global Corp. na umano’y may Memorandum of Agreement sa Manila City Hall matapos na magreklamo ang mga hinatakan ng motorsiklo na nakaparada sa harap ng Jose Reyes Memorial Medical Center.
Ayon sa kinatawan ng Tokagawa Global Corp., may certification sila mula sa MTPB na nag-ootorisa sa kanila na mangolekta ng parking fee sa lugar.
Pero ayon sa hepe ng MTPB na si Dennis Alcoreza, hindi pinapayagan ang pag-garahe sa anumang bahagi ng Rizal Avenue.
“Wala kayong karapatang maningil dito. ‘Maski sa sidewalk, hindi dapat kayo nagpa-papark,” sabi ni Alcoreza sa hinuling kolektor.
Pinawalang-bisa na ni Estrada ang naturang kontrata matapos sabihin ng Commission on Audit (COA) na “disadvantageous” ito sa gobyerno.