MANILA, Philippines - Patay ang isang drug user nang manlaban sa mga pulis matapos salakayin ang isang drug den kamakalawa ng hapon sa likuran ng Quinta Market sa may Muelle dela Quinta St., Quiapo, Maynila.
Tinatayang nasa edad 25-30, may taas 5’, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng puti at itim na t-shirt ang suspek, ayon kay SPO2 Bernardo Cayabyab, ng Manila Police District-Homicide Section.
Dakong alas-4:10 ng hapon nang salakayin ng mga elemento ng Focus Team Station Anti-Illegal Drugs ng Plaza Miranda Police Community Precinct ng MPD-Station 3 ang barung-barong, na matatagpuan sa likuran ng Quinta Market, sa Muelle dela Quinta St. sa Quiapo, Maynila.
Nauna rito, nakatanggap umano ng ulat ang mga pulis mula kay Kagawad Ervin Vincent Tobilla na ang naturang lugar ay ginagawang drug den kung kaya agad na isinagawa ang operasyon na dito naaktuhan ang suspek na sumisinghot ng shabu.
Sa halip namang sumuko sa mga pulis ay kaagad umanong bumunot ng baril ang suspek at nanlaban kaya’t napilitan ang mga awtoridad na ipagtanggol ang kanilang mga sarili at gumanti ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng suspek. Narekober ng mga pulis sa lugar ang isang kalibre .38 revolver na walang serial number, isang nakabukas na maliit na plastic ng shabu at dalawang pang sachet ng shabu.