18,000 parak ikakalat sa Independence Day, pagbubukas ng klase

MANILA, Philippines – Aabot sa 18,000 pulis ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang todo bantay kaugnay ng gaganaping pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan sa Linggo, Hunyo 12 hanggang pagbubukas ng klase sa Hunyo 13  .

Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni NCRPO Spokesperson Chief Inspector Kimberly Molitas, mananatili sa full alert ang kanilang tanggapan sa buong Metro Manila  upang tiyakin ang seguridad sa nasabing okasyon.

Ayon kay Molitas, aabot sa 2.6 milyon ng mga estudyante ang inaasahang dadagsa sa mga unibersidad at kolehiyo bukod pa sa mga elementarya, nursery at high school sa buong Metro Manila sa darating na Lunes.

Inihayag ng opisyal na magde-deploy sila ng mga pulis sa labas ng mga university belt katuwang ang mga kinatawan ng LGUs  (Local Government Units ) at mga local enforcers.

Sinabi ni Molitas na bahagi ng kanilang preparasyon ay tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyanteng magbabalik eskuwela  at nakipag-ugnayan na rin ang PNP sa mga opisyal ng Department of Education (DepED)  para sa maayos na pagtugon sa anumang mga problema hinggil sa masasamang elemento na nambibiktima ng mga estudyante.

Samantalang sa pagdiriwang naman ng Independence Day sa Linggo, sinabi  ng opis­yal  ay magpapakalat ng puwersa simula sa Bi­yernes ang NCRPO sa limang lugar na venue ng seleb­rasyon.

Kabilang sa nasa­bing mga lugar ay ang  Monumento sa Caloocan City; Luneta sa lungsod ng Maynila; Manila North Cemetery at  Pinaglabanan Shrine sa San Juan.

Show comments