MANILA, Philippines – Pito katao ang naaresto ng Manila Police District sa isang drug den sa isinagawang buy bust operation kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.
Dakong alas 9:15 ng gabi nang maaresto sina Maritess Celocia, umano’y drug pusher sa lugar; Joemer De Leon, Niño Pineda, Danny Crispo, Arnold Piñeda, Romulo Benito, at Reynaldo Delos Santos.
Maliban kay Celocia, ang anim ay nahuli sa aktong gumagamit ng shabu sa bahay ng una sa kahabaan ng Ma. Cristina St., Sampaloc, Maynila.
Nasamsam sa mga suspek ang walong sachet ng hinihinalang shabu na may street value na P50,000 at drug paraphernalia.
Ikinasa ng mga awtoridad ang operasyon matapos makatanggap ng tip na ginagawang drug den ang bahay ni Celocia.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.