MANILA, Philippines – Timbog sa isinagawang drug operation ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO) dahil sa pag-iingat ng iligal na droga na sinasabing nire-recycle o ibenebenta sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng umaga.
Sa ulat ni NBI Anti-Illegal Drugs (AIDD) Atty. Joel Tovera, kinilala ang suspek na si PO2 Jolly Aliangan, nakatalaga sa Regional Anti-Illegal Drugs ng NCRPO at dating nakatalaga sa District Anti-Illegal Drugs (DAID) ng Manila Police District.
Nakasamsam ang NBI ng pinaniniwalaang shabu, bungkos-bungkos na pera sa loob ng isang vault, timbangan at mga baril, na ang ilan ay matataas ang kalibre sa loob ng bahay nito sa Talayan St., Balic-balic, Sampaloc, sa raid na isinagawa alas 8:00 ng umaga.
Dalawang sasak-yan na nakaparada sa garahe ng magarang bahay ng suspek na ang isa umano ay may plaka na hindi naman tugma sa sasakyan.
Binitbit din ang isang sibilyan na si Jeffrey Guttierez, na kasabwat umano ng suspek sa operasyon ng droga.
Maging ang maybahay umano ng suspek ay isinasailalim sa imbestigasyon dahil sa ginawa umano nitong pagtapon o pag-flush sa toilet bowl ng mga hinihinalang shabu.
Naging matensiyon ang operasyon kaya ang nanay ng suspek na hindi pinangalanan ay nahimatay at dinala sa Ospital ng Sampaloc.