MANILA, Philippines - Naabo ang mga nakaimbak na kendi, biskwit at tsokolateng produkto ng isang kompanya sa naganap na sunog na nag-umpisa, kamakalawa ng gabi sa Navotas City.
Sa ulat ng Navotas City- Bureau of Fire Protection, dakong alas-10 ng gabi nang sumiklab ang apoy sa unang palapag ng bodega na pag-aari ng Columbia Food Products sa may Escoda at Federico Street, Brgy. San Rafael, ng naturang lungsod.
Nang hindi agad maagapan ang apoy, agad na kumalat ito sa ikalawang palapag ng bodega kung saan naman nakaimbak ang mga wrappers.
Itinaas ang alarma ng sunog sa Task Force Echo kung saan nasa 50 trak ng bumbero ang rumesponde.
Nahirapan naman ang mga pamatay-sunog na apulahin ang apoy dahil sa kitid ng mga daanan.
Dakong alas-7 na ng umaga nang magdeklara ang BFP ang fire under control.
May teorya ang pulisya na faulty electrical wiring ang sanhi ng sunog. Patuloy namang inaalam ang kabuuang halaga ng ari-ariang natupok habang masuwerte na walang nasawi sa insidente.