Sa Quezon City P100-M shabu nasamsam, 7 arestado

MANILA, Philippines – Umiskor ang mga operatiba ng Regional Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (RAIDSOTG) matapos masakote ang pitong drug pusher kabilang ang isang 12-anyos na menor de edad sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City nitong Sabado ng madaling araw kung saan nakasamsam ng may P100 milyong halaga ng shabu.

Kinilala ni NCRPO Chief P/Director Sa-muel Pagdilao ang mga nasakoteng suspect na sina Ruel Balacuit, James Lumpong, Samia Sultan, Akmad Bato, Rhoniel Balacuit at ang 12-anyos na batang lalaking ginawang drug courier ng grupo na itinago sa pangalang Cyrus.

Bandang ala-1:55 ng madaling araw, ayon kay Pagdilao nang magsagawa ng buy-bust ope­ration ang RAIDSOTG ng NCRPO sa ilalim ni Chief Inspector Roberto Razon sa kahabaan ng Morato St. sa panulukan ng Timog Avenue, Brgy. South Triangle ng lungsod.

Bago ito, sinabi ng opisyal na nakatanggap ng impormasyon ang RAIDSOTG hinggil sa talamak na pagtutulak ng droga ng mga suspect na ginagamit ang 12- anyos na si Cyrus sa kanilang iligal na aktibidades.

Agad na nakipag-deal ang mga awtoridad sa mga suspect at agad inaresto ang mga ito sa aktong iniaabot ang droga sa poseur buyer ng mga opera­tiba ng RAIDSOTG.

Nasamsam mula sa pag-iingat ng mga suspect ang 20 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P100 milyon, kulay abong Toyota Vios (PII-948) at kulay berdeng Lancer (WPP-466) na gamit ng mga ito sa kanilang illegal na transaksyon.

“The successful anti-illegal drugs buy bust operation is part of the aggressive implementation of ‘Oplan Lambat Sibat’, a programmatic, deliberate, and sustainable anti-criminality approach of the PNP,” pahayag ni Pagdilao.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o ang Anti-Dangerous Drugs Act ang mga suspect.

Show comments