MANILA, Philippines - Aabot sa P3 milyong halaga ng mga ari-arian ang naabo nang matupok ang apat na palapag ng gusali ng faculty center sa University of the Philippines Diliman, Quezon City, iniulat kahapon.
Ayon kay Senior Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, nagsimula ang sunog ganap na ala-1:20 ng madaling-araw na nagsimula sa ikatlong palapag ng nasabing gusali na kinatatayuan ng College of Arts and Letters (CAL) at College of Social Sciences and Philosophy (CSSP) na matatagpuan sa Roxas kanto ng Osmeña UP Diliman.
Dahil pawang mga papeles at rekords ang laman ng nasabing mga kuwarto ay mabilis na nilamon ito ng apoy hanggang sa tuluyan ng lumaki at tupukin ang buong palapag.
Umakyat sa task force alpha ang alarma ng sunog alas-2:25 ng madaling araw bunga ng paglaki ng apoy at nangangailangan na ng karagdagan respondeng bumbero.
Hinihinala na nagmula ang sunog sa problema sa kuryente dahil base sa ilang worker dito ay may napupuna nang kakaiba sa mga kawad dito.
Samantala, bagama’t alas 4:20 ng madaling araw nang ideklarang fire under control ang sunog umabot pa ng alas-11:25 ng umaga nang ideklara itong fire out bunga ng mga bagang nakita sa gusali na tuluyang inalis para matiyak na hindi na ito pagmulan pa nang pagsiklab.
Pansamantala namang sinuspinde ang klase sa College of Arts and Letters habang inaalam naman ang ugat ng pagsiklab nito.