Timbog sa Iraq: 2 Pinoy na dawit sa human trafficking, giit ibalik sa Pinas
MANILA, Philippines – Dalawang Pinoy na umano’y ‘bugaw’ ng mga babaeng ni-recruit bilang Spa attendants ang inaasahang ipababalik sa Pilipinas matapos madakip ng mga awtoridad sa Kurdistan, Iraq kaugnay sa kanilang iligal na aktibidad.
Ito ang iniulat ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) kahapon.
Pinipigil pa sa Erbil, Kurdistan Region ang mga suspek na sina Gie Viterbo Rodeo at Gil Feraer Rodeo, na naaresto noong nakaraang buwan sa reklamong estafa at paglabag sa immigration laws gayundin sa iniimbestigahang pagkakasangkot nila sa human trafficking activities.
Ang mga recruit na Pinoy diumano ng dalawa ay ipinapasok sa Spa (massage) clinic at pinupwersang makipagtalik sa mga kliyente.
Ipinarating na rin ito ni IACAT Executive Director Darlene Pajarito kay Department of Justice (DOJ) Undersecretary Wendell L. Go, ang Undersecretary-In-Charge ng IACAT.
Nais ng IACAT na makuha ang kostudiya sa dalawang Pinoy dahil may dapat silang haraping kasong syndicated illegal recruitment at estafa sa Las Piñas Regional Trial Court .
Bukod pa umano ito sa isa pang outstanding warrant of arrest mula sa Puerto Princesa Regional Trial Court sa kahalintulad ding kaso.
Nabatid na inireklamo ng hindi bababa sa 3 miyembro ng Filipino Community sa Kurdish authorities ang dalawa na natuklasan ding walang valid residency permits doon.
Magpapadala na ng communication ang IACAT sa Philippine Embassy sa Iraq sa request na ipatapon pabalik ang 2 Pinoy.
- Latest