MANILA, Philippines – Patay ang isang pahinante nang masagasaan ng kaniyang kasamang driver sa madilim na bahagi ng Manila International Container Terminal (MICT) compound, sa MICT Road, Parola, Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Gerald Jerusalem, 18, truck helper ng NIRCB Trucking Services at residen-te ng Gate 1, Area A, Parola, Tondo,
Sumuko naman ang suspek na driver na si Alfredo Manzo Jr., 32.
Sa ulat ni SPO1 Christopher David ng Manila Traffic District Enforcement Unit (MTDEU), dakong alas-8:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa nabanggit na lugar.
Bago pa umano ang pangyayari, nakita ng ilang saksi na nakikipaglaro ang biktima sa kaniyang mga kaibigan sa madilim na bahagi ng MICT Road.
Sinabi naman ng suspek na hindi niya naman nakita ang biktima, na mismong kaniyang pahinante sa truck at nalaman niya na lang na may nasagasaan na siya.
Nang alamin ay nakitang duguan ang ulo at bibig ng biktima na nakabulagta sa madilim na bahagi ng lugar.