MANILA, Philippines – Dahil sa malasakit ng isang concerned citizen, nadiskubre at nahukay ng mga tauhan ng Caloocan City Police ang bangkay ng dalawang lalaki na ibinaon sa bahay ng isang kilalang ‘tulak’ ng iligal na droga sa naturang lungsod, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni Caloocan City Police Chief, Senior Supt. Bartolome Bustamante ang mgat bangkay na nahukay na sina Reynaldo Velasco, 62, ng San Jose del Monte, Bulacan at isang alyas Reginald.
Sinabi ni Bustamante na unang nakatanggap ang isa niyang tauhan sa Tala Police Community Precinct ng text message sa isang concerned citizen na isinumbong ang nasaksihan na pagbabaon sa dalawang bangkay sa unang palapag ng bahay ni Khalid Moda sa may Phase 12 Brgy. 188 Tala.
Dito nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Caloocan City Police- North Extension Office dakong alas- 10 ng Miyerkules ng umaga ngunit walang inabutan na tao sa bahay.
Agad namang napansin ang kumpol ng lupa na tila bagong hukay. Muling hinukay ang mga ito at nadiskubre ang nabubulok nang mga bangkay ng mga biktima na may masking tape pa sa mga bibig at may tama ng bala.
Ipinag-utos na ni Bustamante ang all-out manhunt operation upang madakip si Moda na kilalang sangkot sa isang sindikato ng iligal na droga. Nabatid na naaresto si Moda nitong Oktubre sa pagtutulak ng iligal na droga ngunit nakalabas rin ng kulungan nang makapagpiyansa.
Nabatid naman na huling nakitang buhay ang dalawa na magkaangkas sa isang motorsiklo nitong Enero 28 at hindi na muling nakontak. Inamin naman ng mga kaanak na dati na ring nasangkot sa iligal na droga ang biktimang si Velasco.