MANILA, Philippines – Nasa 600 pamilya ang nawalan ng tahanan at tinatayang nasa P3 milyong mga ari-arian ang napinsala matapos tupukin ng apoy ang may 100 kabahayan sa Muntinlupa City, kamakalawa ng gabi.
Isa ang nasugatan sa naganap na sunog na nakilalang si Annalie Aninang, ng Bagong Sipol, Brgy. Putatan ng nasabing lungsod. Ayon kay Muntinlupa City Fire Marshall Supt. Gilbert Dolot, alas-11:45 ng gabi nang magsimula ang sunog sa bahay ng isang Daniel Jabobo sa naturang lugar, matapos na may umusok sa bandang kisame nito.
Dahil pawang gawa sa light materials mabilis na kumalat ang apoy sa iba pang kabahayan.
Isa pang nakitang problema kaya mabilis kumalat ang apoy ay dahil sa makipot ang mga daanan kung kaya’t hindi kaagad nakadaan ang nagrespondeng mga bumbero.
Nataranta ang mga residente, dahilan upang magtakbuhan ang mga ito at nagbagsakan ang mga lumalagablab na mga kahoy dahilan upang mabagsakan sa paa si Aninang kung kaya’t mabilis itong dinala sa naturang pagamutan ng rescue team.
Alas-3:00 kahapon ng madaling-araw nang ideklarang fire-out ang sunog. Patuloy na inaalam ang pinagmulan ng sunog.