MANILA, Philippines – Aabot sa 20 mga barung-barong, na hinihinalang bagsakan ng mga kontrabando ang giniba ng raiding team ng Bureau of Corrections (BuCor) sa ika-14 na ‘Oplan Galugad Operation’ na isinagawa kahapon sa tabi lamang ng pader ng maximum compound ng New Bibilid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Ayon kay BuCor director Ret. General Rainer Cruz III, bandang alas-5:30 ng umaga nang gibain nila ang may 20 barong-barong, na ikinagulat nila dahil kumpleto ang mga ito ng mga kagamitan, na mistula itong mga bahay.
May hinala ang pamunuan ng BuCor, na ang naturang mga ilegal na istraktura ay bagsakan ng mga kontrabando, kung kaya’t madali itong naipupuslit sa loob ng mga kubol ng mga preso.
Inispeksyon din ang mga dating magagarbong kubol ng mga tinaguriang high profile o vip na mga preso, na matatagpuan sa building 2 ng maximum security compound.
Kabilang sa ininspeksiyon ng mga tauhan ng BuCor ang dating marangyang kubol ng drug lord na si Peter Co at Joel Capones.
Ang dating solong inuukupahan kubol ni Co ay pinagagamit na ngayon sa 15 mga matatandang preso.
Bukod sa 20 shanties na giniba, sinalakay din ang mga kubol ng building 2, 5 at sa likod nito ng building 11 sa guardant 4 ng maximum security compound.
Nakakumpiska dito ng mga appliances at electronics devices tulad ng mga components, malalaking led television, ilang gramo ng shabu, improvised sex enhancer at aquarium na may lamang malaking gagamba.
Nabatid na noong Enero 20, huling nagsagawa ng operasyon sa piitan kung saan natagpuan ang isang swimming pool, ibat-ibang uri ng mga kontrabando at dalawang baril sa medium security compound.