MANILA, Philippines – Hindi mauulit ang Mendiola Massacre sa panahon ng aking panunungkulan.
Ito naman ang tiniyak ni Manila Mayor Joseph Estrada kasabay ng paggunita ng anibersaryo ng madugong insidente ngayon. Naganap ang ‘Mendiola massacre’ noong Enero 22, 1987.
Ayon kay Estrada, ang lahat ng mga dapat isa-alang-alang at gawin para sa mapayapang protesta o rally ay nakasalalay sa kapulisan.
Sinabi naman ni MPD Station 4 Commander Supt. Mannan Muarip, tungkulin nila ang pag-aasikaso ng seguridad sa Mendiola at mga katabing lugar alinsunod sa direktiba ni Estrada sa pamamagitan ng MPD leadership at mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na magpapatupad ng ‘maximum tolerance policy’ sa harap na rin ng inaasahang mga pagkilos sa Mendiola kaugnay ng insidente.
Ang Mendiola massacre, na tinatawag ding “Black Thursday,” ay naganap 29 na taon na ang nakararaan kung saan 15,000 militante na pinangungunahan ng mga magsasaka ang nagmartsa patungong Mendiola upang igiit ang genuine agrarian reform pero marahas silang itinaboy at 13 ang nasawi, 39 na iba pa ang nagtamo ng gunshot wounds, at 12 rin ang nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Dinagdag pa ni Muarip, na oras oras ay nagsasagawa sila ng monitoring sa mga ordinayong sitwasyon kaya doble ngayon dahil inaasahan ang pagdagsa ng iba’t ibang cause-oriented groups.