MANILA, Philippines – Isang pampasaherong bus ang hinoldap umano ng tatlong armadong lalaki kung saan tinangay ang mga gamit at pera ng driver at ng may 30 mga pasahero nito sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.
Base sa inisyal na ulat ng Quezon City Police Station 7, ang hinoldap na bus ay ang R.O.V. Transit na may biyaheng Baclaran-Navotas. Nangyari umano ang panghoholdap sa kahabaan ng EDSA Kamuning Flyover, partikular sa tapat ng Nepa Q-Mart, northbound lane, ganap na alas- 3:10 ng madaling-araw.
Bago ito, sumakay umano ang mga suspect sa may bahagi ng Ayala sa Makati City, saka nagkunwaring mga pasahero na naghiwa-hiwalay ng upuan.
Ang isa ay umupo malapit sa likuran ng driver, habang ang isa ay sa gitnang bahagi at isa naman ay gawing likuran.
Subalit, pagsapit sa naturang lugar ay biglang naglabas ng mga baril ang isa habang patalim naman ang dalawa at saka nagdeklara ng holdap.
Agad na nilimas ng mga suspect ang kita ng konduktor ng bus na si Domingo Galo na aabot sa halagang P7,000. Kasunod ang mga gamit, at pera ng mga pasahero ng bus na karamihan ay pawang mga call center agents.
Sinasabing nagpaputok pa umano ng baril ang isa sa mga suspect na sumigaw pa ng yuko bilang panakot sa mga ito.
Matapos nakuha ang pakay ay saka mabilis na nagsipagtakas ang mga suspect.