Binata dedo sa rambol
MANILA, Philippines – Utas ang isang 21-anyos na binata nang gulpihin at pagsasaksakin ito ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa isang rambol na naganap, kamakalawa sa Taguig City.
Hindi na umabot ng buhay nang dalhin sa Taguig-Pateros District Hospital ang biktimang si Jomart Masib, ng Brgy. Central Signal ng naturang lungsod sanhi ng tinamo nitong saksak sa katawan buhat sa isang ice pick bukod pa sa bugbog sarado din ito.
Kilala na ng pulisya ang ilan sa mga suspek, subalit hindi muna nila binanggit ang mga pangalan ng mga ito habang isinasagawa ang follow-up operation.
Lumalabas sa report ng Taguig City Police base sa kuha ng CCTV camera ng Barangay Central Signal, naganap ang insidente ala-1:01 ng madaling- araw sa kahabaan ng Martinez St., ng naturang barangay.
Sinasabing isang grupo ng mga kalalakihan ang nagrambulan kung saan pinagtutulungan ng mga itong gulpihin ang biktima. Matapos ay mabilis na tumakas ang mga suspek at ang biktima naman ay nakitang hindi na makagulapay.
Sinisisi ng ina ng biktima na si Catherine Mora sa barangay, na buhay pa sana aniya ang kanyang anak kung mabilis lamang ang pagresponde ng mga ito.
Pinabulaanan naman ng Barangay Central Cignal ang akusasyon sa kanila kasabay nang pagsasabing tumugon sila sa kanilang tungkulin.
- Latest