Taxi driver kritikal sa saksak ng pasaherong holdaper

Nakaratay ngayon sa Valenzuela City Medical Center dahil sa saksak ng patalim sa tagiliran ng katawan ang 25-anyos na taxi driver na si Christopher Simbajon, ng Riverside, Meycauayan, Bulacan. Isinugod ito sa pagamutan ng grab car driver na si Chaelvert Betarmos. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Nasa kritikal na kondisyon ang isang taxi driver nang pagsasaksakin ng isa sa tatlong holdaper na nagpanggap na mga pasahero, kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Nakaratay ngayon sa Valenzuela City Medical Center dahil sa saksak ng patalim sa tagiliran ng katawan ang 25-anyos na si Christopher Simbajon, ng Riverside, Meycauayan, Bulacan. Isinugod ito sa pagamutan ng grab car driver na si Chaelvert Betarmos.

Sa ulat, binabagtas ni Betarmos ang MacArthur Highway sa may Brgy. Karuhatan dakong alas- 9:20 ng gabi nang mapansin ang komosyon sa loob ng nasa unahan niyang puting taxi (UWH-434). Biglang lumabas ang tatlong lalaki at nagsitakbuhan sa direksyon ng North Luzon Expressway (NLEX).

Lumabas rin ang taxi dri­ver na duguan kaya sinaklolohan ni Betarmos at isinugod sa pagamutan. Ayon sa pulisya, nanlaban umano ang tsuper sa mga holdaper kaya ito nasaksak ng kawatan.

Nagsagawa naman ng pursuit operation ang pulisya ngunit bigo na masakote ang mga salarin.

Show comments