MANILA, Philippines – Itinuturing na himala ng mga residente ng Dagupan St. Tondo, Maynila at maging ni Manila Mayor Joseph Estrada ang pagkakaligtas sa sunog ng isang community chapel na kinalalagyan ng Poong Nazareno noong Bagong Taon.
Ayon kay Estrada, ang milagrong ito ay nagpapatibay sa paniniwala ng milyun-milyong debotong nakiisa sa nasabing kapistahan sa pagtatagumpay ng matibay na pananampalataya sa kabila ng mga paghihirap at dusa na kinakaharap ng maraming Pilipino.
Noong isang linggo ay binisita ni Estrada ang St. Joseph Chapel sa Brgy. 155 sa Dagupan, Tondo upang mamahagi ng mga housing construction materials at pangunahan ang pagtatayo ng mga bagong bahay ng tinatayang 2,000 biktima ng sunog.
Ayon kay Estrada, sa kabila ng laki at lawak ng sumiklab na sunog ay minor damage lamang ang natamo ng chapel, at maging ang loob na bahagi ng chapel kung nasaan ang Itim na Nazareno at iba pang mga poon ay hindi nasira.
Inatasan naman ni Estrada si City Engineer Roberto Bernardo na simulan na ang kinakailangang pagkukumpuni at pagpapaganda pa ng nasabing chapel at mas pagtibayin pa ito laban sa mga kalamidad gaya ng malalakas na bagyo at lindol. May 20 taon na sa lugar ang imahe ng Poong Nazareno.