MANILA, Philippines – Hindi mahulugan ng karayom ang Sto. Niño Parish Church kung saan dinagsa ng mga deboto ang oras-oras na misa kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ng Señor Sto. Niño sa Tondo, Maynila.
Ipinakita ng mga deboto ng batang Jesus ang kanilang mataimtim na paniniwala sa pamamagitan ng pagwagayway ng imahe ng Sto. Niño sa ibinibigay na basbas ng mga lay minister.
Ilang mga kandidato din ang namataan sa lugar.
Ayon naman kay Manila Vice Mayor Isko Moreno Domagoso na hindi matatawaran ang pagdiriwang ng kapistahan ng Señor Sto. Niño taun-taun lalo pa’t pinupuntahan na ito ng mga turista.
Aniya, taus puso ang kanyang pagbati sa mga kababayan niya sa Tondo na patuloy na nagsisikap sa buhay. Hindi umano dapat na maging hadlang ang kahirapan upang abutin ang bawat pangarap.
Sinabi ni Domagoso na hangad niya ang maunlad at masaganang pagsisimula ng taon hindi lamang para sa Manilenyo kundi para sa lahat.
Dagdag pa ni Domagoso, hindi umano dapat na kalimutan o alisin ng mga deboto ang kanilang paniniwala sa Sto. Niño dahil ito ang nagbibigay ng gabay at lakas upang patuloy na lumaban sa buhay.