MANILA, Philippines – Walang puwang para maibaba ang pasahe sa mga pampasaherong jeep nationwide.
Ito ang sinabi ni Elvira Medina, national president ng National Commuters Council for Public Safety (NCCPS) sa plano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maibaba ang pasahe sa passenger jeepney dahil sa pagbaba ng presyo ng diesel at gasoline.
Ayon kay Medina , hindi napapanahong maibaba ang pasahe sa jeep dahil patuloy naman ang pagtaas ng halaga ng mga pangunahing bilihin.
“Bigyan naman natin ng pagkakataon ang mga taxi at jeepney drivers na itaas ang antas ng kanilang buhay, huwag naman nating abahin ang mga ito,” pahayag ni Medina.
Kaugnay nito, sinabi din ni Orlando Maquez, national president ng Liga ng Transportasyon at Opereytor sa Pilipinas (LTOP) hindi kumikita ang mga jeepney drivers kahit bumaba ang presyo ng diesel at gasoline dahil apektado sila ng matinding traffic na siyang ugat ng kahirapan ngayon ng maraming maliliit na driver sa bansa.