MANILA, Philippines – Nasorpresa ang may 3,000 preso ng Quezon City Jail matapos na isagawa ang ‘‘Oplan Galugad’’ sa kanilang mga tarima na naglalayong kumpiskahin ang mga itinatago nilang mga kontrabando na iligal na naipasok sa piitan, kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa ulat, ang operasyon ay ginawa ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Jail Management and Penology; Philippine Drug Enforcement Agency; at Anti-illegal Drug Group ng Philippine National Police.
Sabi ni QC Jail Officer In-Charge Insp. Floro Esperas, ganap na alas- 4 ng madaling araw nang isagawa ang operasyon kung saan isa-isang pinalalabas ang mga preso sa kanilang mga tarima o selda, tulad ng Sputnik Gang, Batang City Jail, Commando Gang at Bahala Na Gang, saka pinaghuhubad bago isinasailalim sa pagrekisa ng kanilang mga katawan.
Matapos ang body search ay pinahilera ang mga preso sa may labas ng kanilang selda, bago sinimulan ng mga operatiba ang paghalughog sa mga tarima ng mga ito kabilang ang K9 unit.
Sabi naman ni DILG undersecretary Peter Corvera, hindi lamang anya mga kontrobando ang target ng operasyon kundi ang mga sindikato na ayon sa kanyang nakalap na impormasyon ay nakakapag-operate pa sa loob ng piitan.
Ang nasabing QC jail ang pinaka-congested na piitan sa buong bansa na may 3,524 na preso na malaki ang kapasidad sa dapat sana ay nasa 600 na preso na kabuuan ng lugar.