MANILA, Philippines – Ni-raid ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang bahay na umano’y ginagawang pugad ng iligal na droga at iligal na pasugalang video ka-rera kung saan nadakip ang apat katao sa aktong bumabatak ng shabu, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay P/Chief Insp. Enrico Figueroa, hepe ng QCPD-Anti Illegal Drugs Special Operation Task Group, ang mga suspect ay kinilalang sina Richard Ignacio; Charlie Garcia, Manolito Sanchez, at Eric Resera, pawang mga residente sa Brgy. San Jose sa lungsod.
Sabi ni Figueroa, isinagawa nila ang operasyon bunga ng impormasyong ibinahagi sa kanila ng ilang mga concerned citizen kaugnay sa isang bahay na matatagpuan sa G. Roxas St. sa nabanggit na barangay na ginagawang drug den at pasugalan.
Dahil dito, agad silang nagsagawa ng surveillance at nang makumpirma ay saka nila inihanda ang isang operasyon.
Sinasabing ang unang palapag ng nasabing bahay ay ang pa-sugalan ng video karera habang ang ikalawang palapag ay batakan ng shabu.