MANILA, Philippines – Tumirik ang biyahe ng Light Rail Transit na ikinainis na naman ng maraming pasahero na pinababa ng bagon sa Blumentritt LRT station, kahapon ng umaga.
Nabatid sa pamunuan ng LRTA na dakong alas-9:00 ng umaga nang tumirik ang isang tren ng LRT sa Blumentrit Soutbound dahil sa air pressure.
Ayon sa report, galing ng Roosevelt Avenue sa Quezon City ang tren na patungo sana ng Baclaran at pagsapit nito sa Blumentritt ay ayaw ng tumakbo kaya pinababa ang mga pasahero kahit nagmamadali na ang mga ito.
Hinatak na lamang pabalik sa LRT-1 depo ang bagon kaya na-clear ang riles at muling bumalik ang operation.
Nabatid na mula noong Lunes ay tatlong beses ng nagka-aberya ang biyahe ng LRT dahil sa pagbaba ng air pressure.