MANILA, Philippines - Naisalba ang buhay ng isang lalaking sinasabing may diprensiya sa pag-iisip makaraang magbigti sa isang footbridge ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kamakalawa sa Pasay City.
Alas-8:00 kahapon ng umaga mula sa San Juan De Dios Hospital sanhi ng tinamo nitong fracture sa leeg ay inilipat na ang biktimang si Randy Aleman, 31, taga Samar, Leyte sa National Center for Mental Health sa Mandaluyong City.
Ayon sa report ng Pasay City Police, naganap ang tangkang pagpapatiwakal alas-9:00 kamakalawa ng umaga sa footbridge ng MMDA sa kahabaan Roxas Boulevard, Baclaran ng nabanggit na lungsod.
Nakita ng nakatalagang mga street sweeper na nakapalupot sa leeg ng biktima ang isang nylon cord at nakatali sa iron grills ng naturang footbridge.
Dali-daling pinuntahan ng mga street sweeper ang biktima at kaagad na kinalag sa leeg nito ang nakataling nylon cord hanggang sa dinala ito sa naturang ospital (San Juan De Dios Hospital).
Kaagad namang ipinagbigay alam sa mga pulis ang insidente at nalaman na si Aleman ay may sakit sa pag-iisip.
Napansin ng mga pulis na nakasulat sa suot na t-shirt ng biktima, na humihingi ito ng tawad sa tangka nitong pagpapatiwakal.
Nanawagan naman ang Pasay City Police, na kung sino aniya ang nakakakilala sa biktima, kaagad itong ipagbigay alam sa mga kaanak nito.