MANILA, Philippines – Arestado ang anim katao sa magkahiwalay na operasyon ng Northern Police District (NPD) laban sa pagtutulak ng droga at pot session sa Caloocan at Navotas City kamakalawa.
Sa ulat na ipinadala ng Navotas City Police-Station Anti-Illegal Drugs Unit, kinilala ang mga inaresto nila na sina Rose Santiago, 26; Jomar Neil Ripal, 22; Elmar Bolante, 31; Charlie Salazar, 37; at Arturo Asis, 31, pawang mga residente ng Market 3, Brgy. North Bay Boulevard South, ng naturang lungsod.
Nabatid na sinalakay ng pulisya ang isang kubol sa may Market 3 dakong alas-8:05 ng gabi makaraan na may makapag-tip na may nagaganap na pot session sa lugar.
Huli sa akto ang limang suspek habang sumisinghot ng hinihinalang shabu. Nakumpiska sa mga ito ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at mga paraphernalia.
Dakong alas- 4 ng hapon naman nang madakip ng mga tauhan ng Caloocan City Police-Station Anti-Illegal Drugs Unit ang 40-anyos na si Jonathan Ofrera, alyas “Othan”, walang trabaho at residente ng No. 11 Anna Napla Street, Amparo Subdivision, ng naturang lungsod.
Nakumpiska kay Ofrera ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at marked money.
Nahaharap ngayon ang mga arestadong suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.