MANILA, Philippines – Isang retiradong pulis na kakandidatong bara-ngay captain ang sugatan nang pagbabarilin ang bahay nito ng anim na armadong kalalakihan noong bisperas ng Bagong Taon.
Kinilala ni Police Supt. Arthur Felix Asis, hepe ng Taguig City Police ang biktimang si ex-PO3 Jesus Laurel, taga #9, panulukan ng Barcena at Sumali Sts., Barangay Central Signal ng naturang siyudad. Nagtamo ito ng mga sugat sa braso at hita buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Ayon kay Asis, inaalam na nila ang pagkakakilanlan ng anim na suspek at nagsasagawa na rin sila ng manhunt operation laban sa mga ito.
Sa inisyal na report ng pulisya, naganap ang insidente alas-11:19 ng gabi ng bisperas ng Bagong Taon sa harapan ng bahay ng biktimang si Laurel.
Base sa kuha ng CCTV camera, isang kulay puting Mitsubishi Adventure, na hindi naplakahan ang dumating sa harapan ng bahay ni Laurel at bumaba ang grupo ng mga kalalakihang armado ng matataas na kalibre ng baril.
Walang salitang pinaulanan ng bala ang bahay nito at ayon kay Laurel, malamang na tangka aniya silang i-massacre ng mga suspek.
Nang mabatid ng mga suspek na may nakatutok na CCTV camera, pinaulanan din nila ito ng bala.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na pinaharurot ng mga suspek ang dala nilang sasakyan at nagsitakas.
Ayon kay Laurel, may hinala siyang may anggulong politika ang naganap na pamamaril sa kanyang bahay dahil tatakbo itong barangay captain sa naturang lugar.
Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang pamunuan ng Taguig City Police hinggil sa insidente.