MANILA, Philippines – Patay ang isang retiradong opisyal ng Manila Police District (MPD) nang pagsasaksakin ng ilang beses sa leeg at sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng umano’y dating driver nito, sa loob ng kanyang bahay sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktimang si P/Supt. Cipriano Herrera, 77, residente ng no. 2015 Severino Reyes St., Sta. Cruz, Maynila na nalagutan ng hininga sa Metropolitan Medical Center.
Itinuturo namang suspek ang sinibak nitong driver na si Allan Liwanag, 40, may-asawa. Tinangay din umano ni Liwanag ang kulay itim na Ford Escort ng biktima na may plakang ACA 1295.
Sa ulat ni SPO2 Charles John Duran kay Manila Police District-Homicide Section chief, Senior Insp. Rommel Anicete, ang biktima na dating naging hepe ng Manila Police District (MPD) bilang station 3 commander ay nagtamo ng maraming saksak sa katawan.
Naganap ang insidente dakong alas 3:55 ng madaling-araw sa kusina ng bahay ng biktima. Sa fire exit dumaan papasok ang suspek at sa hindi inaasahan ay gising na rin ang biktima para magkape.
Nabatid na sinibak ng biktima ang suspek bilang driver dahil napapabayaan na ang trabaho at obligasyon nito sa kaniya.
Posibleng sa sama ng loob ay isinagawa ng suspek ang pamamaslang.
Batay sa mga nakalap na impormasyon ng pulisya sa mga kapitbahay, walang kaaway ang matandang pulis maliban sa nakikita nilang pinagagalitan at madalas murahin ang dating driver (suspek) dahil hindi nagagampanan ang kaniyang trabaho.
Patuloy pang tinutugis ang suspek at inalarma na rin sa PNP-Highway Patrol Group (HPG) ang sasakyang tinangay.