MANILA, Philippines – Tuluyang binawian ng buhay sa pagamutan ang isang 50-anyos na palaboy nang pagtripang tarakan ng patalim ng dalawang beses sa dibdib ng ‘di kilalang salarin, sa Otis st., Paco, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala lamang sa pangalang Toto Torres ang biktima na sa kalye lamang umano natutulog.
Sa ulat ni PO3 Dennis Turla ng Manila Police District-Homicide Section, alas-6:30 ng gabi nang madiskubreng duguan at nakahandusay ang biktima sa Otis St. na nangangamoy alak.
Agad dinala ng isang Andres Sta. Maria, security guard, ang biktima sa Philippine General Hospital (PGH) subalit bandang alas-8:30 ng gabi ay idineklarang patay matapos mabigo ang mga doctor na maisalba ang buhay nito.
Pinaniniwalaang may nangursunada lamang na saksakin ang biktima.