MANILA, Philippines – Dala ng pangangailangan, lalo na ngayong malapit na ang Pasko, isang 16 anyos na binatilyo ang lakas loob na nanghablot ng mamahaling gadget ng isang babae, subalit minalas na maaresto sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Gayunman, nakuha man ng binatilyong itinago sa pangalang Berto ang gamit ay hindi naman siya nakaligtas sa otoridad na agad namang nahingan ng tulong ng kanyang biniktima.
Sa ulat ng Quezon City Police District Station 2, nakilala ang biktima na si Apple Mae Manzano, 21, ng No. 79-Anamismis St., Brgy . Veterans Village, Project 7.
Si Manzano ay pormal na nagtungo sa nasabing tanggapan para humingi ng tulong matapos na matangay ni Berto ang kanyang Oppo Mirror 3 mobile phone na nagkakahalaga ng P8K at ang kanyang ADATA 16GB micro SD memory.
Sa imbestigasyon ni PO2 Shery Montano, ng PS2, ng QCPD Masambong Police Stn. 2, nangyari ang insidente sa loob mismo ng Mini Stop Convenient Store sa kahabaan ng Edsa kanto ng Bansalangin St., Brgy. Veterans Village, Project 7 alas-9:00 ng gabi.
Diumano, kasalukuyang nagmi-miryenda sa loob ng naturang tindahan ang biktima kasama ang isang kaibigan nang biglang sumulpot ang suspect at hinablot ang dala niyang gadget na nakalagay umano sa ibabaw ng lamesa at mabilis na nagtatakbo palabas.
Gayunman, hindi nawalan ng loob ang biktima at sinundan ang suspect saka nagsisigaw ng saklolo. Tiyempo namang nasa lugar sina P/Insp. Benjamin Mayor at PO1 Archie Evangelista at nakatawag ng pansin sa biktima sanhi para habulin ang suspect at maaresto.
Subalit, hindi na rin nabawi pa ng biktima ang kanyang gamit dahil naipasa na umano ito ng suspect sa kanyang isa pang kasamahan.