Sa MMFF parade bukas 1,000 traffic enforcers ikakalat

Sa abiso ng MMDA kahapon, simula alas-3:00 ng hapon sarado sa lahat ng uri ng sasak­yan ang southbound lane ng  Roxas Boulevard mula EDSA Extension  hanggang South Drive. STAR/File photo

MANILA, Philippines – Dahil sa inaasahan ang matinding trapik, nasa 1,000 bilang ng mga enforcer ang ikakalat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)  para magmantina ng daloy ng trapiko sa ilang pangunahing lansangan ng Kalakhang Maynila, partikular sa kahabaan ng Roxas Boulevard dahil sa isasagawang parada bukas (Disyembre 23) ng mga artistang kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF), 2015.

Sa abiso ng MMDA kahapon, simula alas-3:00 ng hapon sarado sa lahat ng uri ng sasak­yan ang southbound lane ng  Roxas Boulevard mula EDSA Extension  hanggang South Drive.

Ang parada ng mga artista na kalahok sa naturang film festival ay magsisimula ng ala-1:00 ng hapon mula Coral Way, malapit sa SM Arena, kakanan patungong JW Diokno, EDSA Extension hanggang  Roxas Boulevard Southbound, kaliwa ng South Road, kanan ng Independence Road hanggang Quirino Grandstand.

Ang P. Burgos at  TM Kalaw Sts., ang magsisilbing alternatibong ruta ng mga motorista para hindi maipit ang mga ito sa trapik.

Sinabi ni Cris Saruca, hepe ng MMDA Traffic­ Discipline Office, asahang dudumugin ng maraming fans at manonood ang naturang MMFF Parade.

“This is the biggest film fest kasi sikat yung mga artistang kasama. Aldub itself pa lang e,” ayon kay Saruca, kung saan tinukoy nito sina  Alden Richards at Maine Mendoza, na unang magtatambal sa kanilang unang pelikula na kalahok sa MMFF.

Ang parada aniya ng MMFF  tuwing buwan ng Kapaskuan ay isa aniyang tradisyon para i-promote at tangkilikin ng mga manonood  ang mga pelikulang Pilipino.

Ang lahat ng mga pelikulang kalahok sa  MMFF ay ipapalabas mula Disyembre 25, 2015 hanggang Enero 7, 2016.

Show comments