MANILA, Philippines – Patay ang isang negosyanteng Chinese national habang sugatan ang misis nitong buntis makaraang ambusin sila habang sakay ng luxury car sa may Aragon at Dimasalang Sts., Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Dead on arrival sa St. Jude Hospital dahil sa multiple gunshot wounds na tinamo ang biktimang si Ellam Lu, nasa pagitan ng 30-40 anyos habang ang misis nitong si Ou Yan, 29, na nagtamo ng bala sa balikat.
Natamaan din ng ligaw na bala sa likod ang isang Alejandro Alindayu, stay-in security guard ng Florida Transit Terminal.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek na hindi bababa sa 4 katao na sakay ng isang L-300 van na kulay puti, at walang plate numbers.
Sa ulat ni PO3 Alonzo Layugan kay P/Sr. Insp. Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-3:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa panulukan ng Dimasalang at Aragon Sts., sa Sta. Cruz.
Nabatid na sakay ang mag-asawa ng kanilang brand new BMW na may conduction sticker na PA-7236 sa direksiyon ng Dangwa nang biglang harangin sila ng sasakyan ng mga suspek at bumaba ang isang lalaki na siyang gunman.
Mabilis na inasinta ang sakay ng BMW at matapos ang pamamaril ay bumalik sa naghihintay na sasakyan.
Sa impormasyon, ang biktima ay importer ng glass supplies na ang kompanya ay isang family business. Kagagaling lamang umano sa bakasyon ng mag-asawa. Ayon sa ilang kaanak, may isang taon pa lamang na kasal ang mag-asawa.
Nabatid na may kuha ng closed circuit television (CCTV) ang bahagi ng pangyayari subalit hindi umano kumpleto kaya maghahanap pa ng ibang establisemento na maaring nakahagip sa insidente. Patuloy pang aalamin ang motibo at kung sino ang nasa likod ng ambush.