MANILA, Philippines – Isang taxi driver ang sinaksak matapos itong pumalag sa panghoholdap ng kanyang pasahero kahapon ng madaling araw sa Makati City.
Sugatan at ginagamot sa St. Luke’s Hospital, Bonifacio Global City (BGC) ang biktimang si Ronnie Sasota, 33, may asawa, taga #1712 Brockside Berkelly, Cainta, Rizal, nagtamo ito ng saksak sa katawan.
Nakakulong naman sa Makati City Police detention cell ang suspek na si Margarito Ortiz “alias Waway”, 36, nakatira sa #231 Tawi-Tawi St., Barangay Pitogo ng naturang lungsod.
Lumalabas sa pagsisiyasat ni PO3 Reynaldo Agustin, ng Theft and Robbery Section, Makati City Police, naganap ang insidente alas-2:40 kahapon ng madaling araw sa kahabaan ng Surigao St., Bgy. Pitogo ng naturang lungsod.
Pinapasada ng biktima ang taxi nito na may plakang UVT-970 at habang binabagtas nito ang naturang lugar ay bigla siyang pinara ng suspek.
Huminto ang biktima sa pag-aakalang pasahero ito at nang makasakay na ang suspek sabay na nagdeklara ito ng holdap nang tutukan nito ng patalim si Sasota.
Pumalag si Sasota at dito na siya inundayan ng saksak ni Ortiz, mabuti na lamang namataan nang nagrorondang mga tanod at dito nilang nakitang duguan ang naturang biktima.
Papatakas na sana ang suspek, subalit nasakote ito ng mga tanod at ang biktima naman ay dinala ng rescue team sa naturang ospital. Iniimbestigahan pa ng pulisya ang naturang insidente.