MANILA, Philippines – Nasa 187 palaboy ang pinagdadampot sa gabi-gabing operasyon na isinasagawa ng Makati Anti-Drugs Council (MADAC) sa nabanggit na lungsod.
Inatasan ni Makati City Mayor Romeo “Kid” Peña Jr. si Police Senior Supt. Jaime Santos, chief ng MADAC, na linisin ang lungsod laban sa mga street dwellers, na karamihan dito ay nandudukot at nang-aagaw umano ng mga personal na gamit sa mga dayuhang nais nilang biktimahin.
Ayon sa MADAC, gabi-gabi aniyang namamalimos sa mga foreigner at mga motorista ang mga street dwellers na nagkalat sa Central Business District (CBD), Barangay Poblacion, Barangay Bel-Air, Barangay San Lorenzo Village, Barangay Pio Del Pilar at EDSA-Ayala Avenue.
Bukod sa panlilimos, may iba pa aniyang modus ang mga ito, kung saan palilibutan ng mga ito ang ilang dayuhang bibiktimahin at aaliwin at dito nila sasamantalahing dukutan.
Nakarating sa tanggapan ni Peña ang reklamo ng mga residente at mga establisimento hinggil sa mga naglipanang mga street dwellers.
Kaya nga humingi ng ayuda ang naturang alkalde sa MADAC na hulihin ang mga ito base na rin sa koordinasyon nila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nabatid, na simula noong Disyembre 11 hanggang kamakalalawa ng gabi, ay nasa 187 kabuuang bilang ng mga street dwellers ang kanilang nadakip.