MANILA, Philippines – Sa kabila ng resulta ng latest Pulse Asia survey, tiniyak ni Manila Vice Mayor Isko Moreno na pag-iibayuhin pa niya ang kanyang laban sa pagkasenador lalo pa’t baguhan lamang siya sa national election kumpara sa mga makakalaban niyang mga re-electionist at datihan na.
Si Moreno na nasa ika-13 puwesto ng latest Pulse Asia Survey (Nov.8-15) na dating nasa17-22 noong Setyembre ay nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa lahat ng mga nagpapakita ng tiwala sa kanyang kakayahan kahit na bagito lamang siya sa senatorial race.
“Malaking karangalan po sa isang katulad ko na hindi galing sa isang sikat o kilalang pamilya na mapasama sa tinatawag nilang winning circle pero malayo pa po ang byahe at kahit masikip ang daan, ako ay patuloy na naniniwala na darating ang panahon na mabibigyan din ng pagkakataon ang mga ka-tulad ko na makapag lingkod sa ating bayan,” ani Moreno.
Ayon kay Moreno, na National President ng Vice Mayors League of the Phi-lippines na pinag-aaralan pa rin niya ang mga sistema at pasikut-sikot sa national campaign lalo pa’t nakikita niya ang suporta at tiwala ng publiko sa mga lalawigang kanyang binibisita.
Sa kanyang 18 taong karanasan sa local legislation dahil sa pagiging Konsehal at Bise Alkalde, naniniwala si Moreno na mataas pa siya sa survey kung kilala siya ng publiko sa kanyang pangalang Domagoso. Francisco Domagoso ang tunay na pangalan ni Moreno.
Bagama’t aminado si Moreno na posibleng bumaba ang kanyang rating sa sandaling gamitin niya ang Domagoso, ikinatuwa naman nito ang pagtaas ng kanyang satisfaction rating na 30.4% na sapat upang makuha niya ang 13th place.
Dahil dito, sinabi ni Moreno na kailangan pa rin niyang magpurisgi sa mga susunod na buwan.