MANILA, Philippines – Kapwa nasawi ang maglive-in partner nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga salarin sa loob ng kanilang bahay sa Gate 84, Parola compound Binondo, Maynila, kahapon ng hapon.
Kinilala ang mga biktimang sina Annalyn Avecilla, alyas Baby Liit, 20, at kinakasama nitong si Ricky Velasco, 23, vendor, kapwa residente ng Gate 64, Parola Compound, Binondo, Maynila.
Sa ulat ni PO3 Alonzo Layugan ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-5:00 ng hapon nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril ang mga kapitbahay ng mga biktima na nagmumula umano sa loob ng barung-barong ng mga ito.
Nang alamin ng mga kaanak at kapitbahay ay nadatnan nilang kapwa naliligo sa sariling dugo ang tadtad ng bala ang mga katawan ng dalawang biktima sa loob ng bahay.
Sinabi naman ng ina ni Avecilla na si Aling Adelaida, alam niyang drug user ang anak at dati rin umano itong nagtutulak ng iligal na droga.
Bago ang insidente, ilang tao na hindi umano tagaroon ang pabalik-balik sa lugar at pinupuntirya ang barung-barong ng mga biktima.
Hinala ng ilang residente na may kaugnayan sa iligal na droga ang pamamaslang.
Ayon kay MPD Homicide chief, Senior Insp. Rommel Anicete, wala pa silang nakuhang impormasyon sa pagkakakilanlan sa mga suspek at patuloy pa itong iniimbestigahan.