MANILA, Philippines - Nasa malubhang kalagayan ang isang ice cream vendor na nagdiwang ng kanyang kaarawan makaraang saksakin ng kanyang kabara-ngay na nanggulo dahil hindi naimbita sa party sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Isinugod sa Tondo Medical Center ang 22-anyos na si Marvin Roldan, binata, ng Champaca Street, Brgy. North Bay Boulevard South, ng naturang lungsod.
Pinaghahanap naman ngayon ang suspek na si Fernando Reyes, alyas Nognog, pedicab driver, at residente ng Antorioum, Road 10, ng naturang barangay.
Sa ulat, nagseselebra ng kanyang kaarawan ang biktima pasado alas-8 ng gabi sa may Antorioum Street, nang dumating ang hindi imbitadong suspek at nag-umpisang agawin at inumin ang mga tagay na alak ng mga bisita.
Kinompronta naman ng biktima ang suspek na humantong sa pagtatalo hanggang sa umalis ang suspek. Muling bumalik si Reyes sa inuman saka inatake ng saksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad na tumakas ang suspek matapos ang krimen habang sinaklolohan naman ang biktima ng mga kasamahan at isinugod sa pagamutan.