Sa Caloocan City libreng sine sa mga seniors tuwing Lunes

MANILA, Philippines – Umpisa kahapon araw ng Lunes, libre na ang panonood ng sine sa SM Center Sangandaan para sa mga senior citizens ng Caloocan City, ayon kay Mayor Oscar Malapitan. Sinabi ni Malapitan na isa ito sa kanyang regalo sa mga senior citizen tulad niya. Ngunit ipinaliwanag nito na tuwing Lunes lamang ang libreng sine at sa unang tatlong screenings ng pelikula. Nilinaw pa nito na ngayong Disyembre, pansamantalang hindi maipatutupad ang libreng sine kapag ipinalabas na ang mga pelikula na sakop ng Metro Manila Film Festival (MMFF). Babalik muli ang libreng sine tuwing Lunes kapag tapos na ang MMFF. Pinaalala rin ni Malapitan ang mga senior citizen na magdala ng identification cards para mapatunayan ang kanilang edad. May mga “usher” na aalalay sa mga senior citizen sa kanilang mga upuan at isang nurse station rin ang ilalagay sa SM Center para sa mga emergency o pangangailangang medikal. Umaasa rin ang alkalde na sa 2016 ay mas maraming screening days na ang mailaan para sa libreng sine ng mga nakatatanda.

Show comments